Martes, Pebrero 13, 2018

Epekto ng Sobrang Paggamit ng Social Media sa Pag-uugali ng Kabataan

                      Sa paglipas ng panahon, napakarami nang umunlad at nagbago sa pamumuhay ng mga tao, isa na nga rito ay ang pagkakaroon ng social media. Upang makasabay sa modernong panahon, naroon ang sobrang pagtangkilik ng mga tao partikular na ang mga kabataan. Mahalagang bigyang-pansin ang konseptong ito upang ipakita na sa kabila ng mga magagandang hatid nito sa sa mga tao, hindi rin maipagkakaila ang mga nagiging masamang epekto rin nito sa mga tumatangkilik rito.
                      Kabataan ang itunuring na pag-asa ng bayan, sila rin ang inaaasahang makapagpapaunlad ng bansang ito. Kaalinsabay ng ideyang ito ay ang katotohanang napakaraming mga bagay ang nagsusulputan na nakakaapekto sa mga hangaring ito. Isa na nga rito ay ang social media. Halos lahat ng kabataan ay kasama na sa pang-araw-araw na buhay ang pagbubukas ng kanilang mga social media accounts upang makahabol sa mga umuuso at sumisikat na mga posts at balita. Ngunit sabi nga ng nakararami, lahat ng sobra ay masama. Ang sobrang paggamit ng social media ay maaaring makapagdulot ng masasamang epekto na maaaring makaapekto sa pag-uugali at paggalaw ng kabataan sa kapaligiran. Isa na nga rito ay ang madalas na away dulot ng pagkakaiba-iba ng pagtingin ukol sa isang isyu na madalas na napag-uusapan sa mga social media sites. Pangalawa, nababawasan rin ang oras na sana sila ay nakakapag-aral at nakakagawa ng kanilang mga gawain. At panghuli, ang mga kabataan ay nagkakaroon ng ugaling makipagsabayan sa kung anong sikat kahit na hindi naman gaanong naiintindihan kung ano ang magiging epekto nito sa kanila. 
                      Ang pagkakaroon ng social media sa henerasyong ito ay masasabing nakakatulong ngunit kapag sumobra na sa paggamit nito, magdudulot ito ng mga bagay na maaaring hindi makabubuti sa mga kabataan. Nangangailangan na magtakda ng limitasyon ang mga kabataan upang magamit ng tama ang kanilang mga oras. Mahalaga ring alamin ang mga tamang prayoridad upang hindi maligaw sa ibang landas at upang matagumpay na makamit ang mga hangarin sa buhay.